marc7 travels |
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ako'y susulat ng isang blag sa wikang Tagalog sa buong kalahatan nito. Ito ang naisip kong paraan para maipakita ang aking pakikiisa sa pagpapahalaga sa wikang Filipino ngayong Buwan ng Wika. Marahil, ito na din ang sanaysay na sadyang pinag-isipan kong husto, hindi lamang dahil sa gamit ko ang Filipino, sapagkat pinag-isipan ko ng husto ang konsepto na gamit ko. Ilang linggo na din akong walang gala kaya't nung may biglaang nagyaya sa San Narciso sa Zambales ay hindi ko pinalagpas ang pagkakataon. Kilala ang Zambales sa kanyang mga baybayin ngunit iba pa din ang hatak ng Crystal Beach sa mga nakapunta na dito. Kilala ito bilang isang pook pasyalan kung saan maaring kang magsurfing o tumambay lamang sa kanyang baybayin. Pero mas nakilala ito sa mga magagandang pasilidad na talaga nga naman sumikat sa "Instagram". Ang Crystal Beach ay isang resort na matatagpuan sa baybayin ng San Narciso. Ito ay nakaharap sa West Philippine Sea at nakilala bilang isang "surfing spot" dahil sa katamtaman at malalaking alon na humahampas sa dalampasigan nito. Ngunit mas lalong nakilala ang lugar dahil sa magagandang lugar na tumatak dahil sa pagiging "instagrammable" nito. Ito na marahil ang naging dahilan kung bakit marami ang dumadayo dito. Ano nga ba ang maaaring magawa kung ikaw ay dadayo sa Crystal Beach Resort? Samahan ninyo ako magbilang, tulad ni Alessandra at Empoy sa kanilang pelikulang "Kita Kita", kung bakit kakaiba ang ganda ng Crystal Beach sa San Narciso. Isa... Isang puting bisikleta ang agad bumungad sa amin ng patungo na kami sa aming "surf shack". Ito ang unang babati sa inyo na talaga nga naman "Instagrammable". Sa likod nito ang isang "board" na puno ng mga hugot patungkol sa pag-ibig. Saan ka pa... may panglitrato ka na at makakapili ka pa ng hugot na pang-caption. Dalawa... Dalawang gadget ang gamit ko para makuhanan ko ng litrato at bidyo ang tanyag na "beach trellis" ng Crystal Beach. Ang daanang ito ay isa sa mga kilala sa bansa dala ng angking nitong ganda na nakilala sa Instagram dahil sa mga malikhaing pagkakalitrato nito. Higit-kumulang 500 metro ang haba nito sa aking pagtantya at ang dulo nito ay bumubukas sa kagandahan ng dalampasigan ng San Narciso. Lahat ng mga panauhin ay nagdaraan sa "beach trellis" na ito patungo sa kanilang mga silid o "tents". Tatlo... Tatlo ang duyan na pandalawahan ang madadaanan mo habang binabaybay mo ang "beach trellis". Ang mga duyan na ito ay pedeng gamitin ng mga panauhin para magmuni-muni, pampalipas oras, o panlitrato. Ito rin ay maari rin gamitin upang magmasid sa malawak at tahimik na lugar ng Crystal Beach. May mga lugar sila para sa mga malalaking grupo na nais mag-team building sa lugar. Apat... Apat ang taong humarang sa akin habang kinukunan ko ang Kampsite 1. Tulad ng "beach trellis", ang Kampsite 1 ay isa sa mga lugar na "instagrammable" sa Crystal Beach. Dito mo makikita ang naglalakihang puno ng Agoho na sadyang pinatubo sa dalawang magkabilang linya na talaga nga naman ikinaganda ng lugar. Magandang magpakuha ng malikhaing litrato sa gitna ng mga punong ito na mistulang ikaw ay nasa isang daanan na ang mga puno ang gabay ng iyong paglalakaran. Lima... May limang paraan para ma-enjoy mo ang Crystal Beach. Nariyan ang magdaytrip para sa mga naghahanap ng panandaliang pagliliwaliw. May mga kubo naman sa may dalampasigan na pedeng tambayan ng inyong barkada. Nariyan din ang magpalipas ng gabi doon. Pede sa "airconditioned cottages" ang mga malalaking grupo o para doon sa maseselan. Karamihan sa mga dumadayo doon ay nagka-camping sa Crystal Beach. May mga lugar sila kung saan pede kayo magtayo ng dala ninyong "tent" o di kaya pede rin kayo umarkila nito sa kanila. Nakilala rin ang Crystal Beach dahil isa ito sa mga lugar kung saan pede kayo mag-glamping. Ang glamping ay isang uri ng "camping" kung saan ang mga "tents" ay kumpleto sa kutson, kuryente, at electric fan. Ika nga nila... "camping in style and comfort". At ang pinakahuli ay ang mga "surf shacks" nito sa may dalampasigan. Ito ay mga kubong maliliit na may tabing at pinalibutan ng punong Agoho. Nagmistulang nasa gitna ka ng gubat at malapit sa dalampasigan. Anim... Sa ika-anim na "surf shack" kami tumuloy na tinawag nilang Ezekiel. Ang maliit na kubo ay pinalibutan ng mga maliliit na punong Agoho. Ito ay may kurtinang puti na tabing sa apat nitong sulok. May kutson at unan, may bentilador, at may kuryente. Ilang hakbang lang ay nasa dalampasigan ka na kung saan maaring kang maupo sa buhanginan at magmasid. May sampung "surf shack" na nilagay nila sa may dalampasigan. Tinawag nila itong "Jungle Hostel" dahil sa mga maliliit na puno na nakapaligid dito. Hindi mo nga aakalain na may mga maliliit na matutuluyan dito. Mahangin ang lugar dala ng hangin mula sa dagat at dinig dito ang hampas ng alon sa dalampasigan na parang hinehele ka sa iyong pagtulog. Pito... Ika-pito na ng umaga ng kami'y bumangon para mag-almusal. May kasama ng agahan ang binabayaran para sa mga magpapalipas ng gabi dito. Kung swertehin ka tulad namin, "buffet breakfast" ang maabutan mo. May malaking restawran sa loob ng Crystal Beach. Pede kayo mananghalian at maghapunan dito. Medyo may kamahalan ang kanilang mga pagkain ngunit sulit naman kung grupo kayo. Para sa mga nagtitipid, meron mga lugar kung saan pede kayo mag-ihaw at may mga kainan din sa labas ng resort. Hindi na lang namin nasubukan dala ng pabugso-bugso ang ulan nung kami ay naroon. Walo... Walong tao ang nakausap ko habang nakatambay ako sa pinaka-"lobby" ng Jungle Hostel ng Crystal Beach. Habang si Asher ay naliligo sa pool (oo, may pool sila na maliit), ako naman ay nag-charge ng aking mga gadgets sa tambayang iyon sa gitna ng hostel. At gaya ng sabi ng kanilang paalala doon na "Mingle in the jungle", nakipagkwentuhan kami sa mga bisita at mga tauhan ng resort na dumadaan at tumatambay din doon. Karamihan sa mga bisita tulad namin ay mga taga-Maynila na nandoon dahil sa "long weekend". Sa pakikisalamuha kong iyon batid ko na mababait at maasikaso ang mga tauhan ng Crystal Beach. Sinisigurado nila na maayos ang kalagayan at seguridad ng kanilang mga bisita. Siyam... Siyam na aktibidad ang naiisip kong maaring gawin kung maligaw kayo sa Crystal Beach. Maaring kayong magsurfing na isa sa pinakakilalang aktibidad nila dito o di kaya ay magswimming sa dagat o kaya sa pool. Kung trip ninyong mamasyal, pede din mag-island hopping sa karatig isla ng Capones na matatanaw mula sa dalampasigan ng San Narciso. Pede din naman magpalitrato sa mga nagagandahang lugar ng resort na maari ninyong samahan ng mga OOTD ninyo. Tulad ng nabanggit kanina, napaka-instagrammable ng lugar. Kelangan dala lang ninyo ang malikhaing imahinasyon ninyo. Pedeng matulog ka lang sa loob ng tirahan ninyo o di kaya ay kumain. Sa Crystal Beach, hindi masamang maging batugan ng isang araw. Basta siguraduhin lang na handa kang makipag-jamming sa gabi kasama ang kanilang banda at makipagkaibigan sa iba pang mga bisita. Higit sa lahat, ang pinakapaborito kong ginawa sa Crystal Beach ay ang tumambay sa dalampasigan habang nagmamasid sa araw ng dumaraan. Sampu... Sampung bituin ang inilalaan ko para sa Ten Toes On The Nose Jungle Hostel ng Crystal Beach. Nakakatuwa ang aming karanasan dito. Bagama't may nakapagsabi na hindi daw ganun kagandahan ang lugar, kami ay natuwa sa aming pagbisita dito. Nagustuhan namin ang "laid-back vibe" ng lugar na nakakatanggal ng pagod at stress. Isa na ito sa naging paborito kong lugar na pasyalan na malapit sa Maynila. Yung mga tipong lugar na kung kelangan mo ng mabilis na puntahan para makapag-relax, dito ka maaring tumungo. Bagama't hanggang ngayon sinusubukan ko pa rin intindihin kung bakit mo ipapatong ang sampung daliri ng iyong paa sa iyong ilong. Pahabol na Byahe: Simbahan ng San Narciso Itinalaga and Simbahan ng San Narciso, kilala rin sa tawag ng Simbahan ng Sebastian, sa taong 1849 makaraang mabuo ang bayan ng San Narciso. Ang kasalakuyang simbahan, maliban sa harapan nito, ay mula sa unang gusali na itinayo noong 1849. Nakakamangha ang ganda ng harapan ng simbahan. May dalawa itong kampanaryo sa dalawang gilid ng simbahan na may “mosaic art” ni San Sebastian at ng Ina Poon Bato na siyang nagpaganda sa harapan ng simbahan. Ang loob ng simbahan ay malawak at simple ang pagkakadisenyo. Kapansin-pansin din ang pinintang imahe ni Hesus sa kisame sa altar ng simbahan. Makikita rin na ang “Centennial Bells” ng San Narciso sa patyo ng simbahan. Ang maliit na kampana ay hinubog noong 1846 matapos mabuo ang bayan ng San Narciso. Ang mga kampanang ito ang unang naging kampana ng unang simbahan na itinayo sa pook na ito. POST TRAVEL NOTES Gaya ng unang kong naisulat, natutuwa ako sa byahe naming ito sa Crystal Beach Resort sa San Narciso sa Zambales. Ito ay isang lugar kung saan maari kang makapagpahinga mula sa karaniwang mundo sa syudad. Tahimik at talaga nga naming nakaka-relaks ang lugar na ito. Sabi ko nga… pang-beach chill ang lugar na ito. Yung tipong darating ka dito na wala kang iisipin gawin kung hindi magpahinga at makapag-enjoy. Hindi naman din salat ang lugar sa mga maari mong gawin kapag napagod ka na magpaka-batugan sa magandang paraan. Sa aming pagbalik sa Maynila, naisip ko na maraming ganitong lugar sa Pilipinas na simpleng maganda ngunit hindi napapansin dahil ang hanap ng iba ay yung mga baybayin na mapuputi ang buhangin. Hindi nila alintana na ang tunay na gandang lugar ay hindi lamang nasusukat sa ganda ng paligid kundi sa karanasan at kahalagahan na maibibigay ng mga taong namamahala ng mga lugar na ito. Getting There: Ang Victory Liner sa Cubao ay may mga byaheng pa-Sta. Cruz at Iba, Zambales na dumadaan sa San Narciso. Sabihin lang ninyo sa konduktor na ibaba kayo sa Simbahan ng San Narciso. Mula sa simbahan, pede kayong sumakay ng traysikel papunta sa Crystal Beach Resort. Maari din kayong sumakay ng bus papuntang Olongapo kung saan makakasakay kayo ng bus o van na papuntang Sta. Cruz. Mas mainam na sumakay kayo ng rutang dadaan sa SCTEX para mabilis ang byahe. Maari ninyong tawagan ang Crystal Beach Resort sa numerong (0930) 732 6015 para magbook sa Ten Toes On The Nose Jungle Hostel. Maari din ninyong kausapin sa kanilang Facebook account na Ten Toes In The Nose. For more of our travel stories, follow us on our social media accounts:
0 Comments
Leave a Reply. |
Marc del Rosario
I believe in education, entrepreneurship, and caring for the environment. Archives
February 2025
|